Ilalabas na sa merkado sa susunod na linggo ang capsule herbal supplement na gawa sa ‘tawa-tawa’ laban sa dengue.
Ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato Dela Peña, matagal nang pinaniniwalaan na nakatutulong ang halamang tawa-tawa para mapataas ang platelet count ng mga may sakit na dengue.
Ito aniya ang dahilan kaya kanilang sinuportahan ang ginawang pag-aaral ng dalawang kumpanya na gumawa ng kapsula gamit ang tawa-tawa.
Dagdag ni Dela Peña, isa rito ang gawa ng kumpanyang Herbanext na siyang inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) bilang herbal supplement.
Nagkaroon sila ng mga pag-aaral doon sa mga gumamit niyan bilang herbal supplement na may mga sakit na dengue na nag-feedback naman sa kanila. Sa kanilang experience ay madaling tumaas ang kanilang platelet count, so, ang sabi ng gumawa na si Philip Cruz na tinulungan din naming sa pamamagitan ng mga equipment ay mahigit 200 na ‘yung nag-feedback sa kanya na nagkasakit ng dengue na nagimprove ang kanilang platelet count,” ani Dela Peña.
Samantala, sinabi ni Dela Peña, may isa pang kumpanya na gumagawa rin ng gamot gamit ang halamang tawa-tawa ang naghihintay pa ng permit mula sa FDA.
Meron pa tayong isa pang kumpanya na tinulungan din ng DOST kaya lang hindi pa nila mailabas dahil wala pa silang approval ng FDA. Ngayon pa lang sila mag-aapply. Sila naman ay dalawang halaman ang pinag-halo nila, actually tatlo sana, after nitong ilalabas nila ay dalawang halaman pa lamang, palagay ko kasama d’yan ‘yung tawa-tawa at ‘yun ay parang herbal supplement na inaano nila na makabubuti sa may dengue, pero sinasabi natin na kung ang registration ay herbal supplement, hindi pa ‘yan gamot,” paliwanag ni Dela Peña.
Balitang Todong Lakas Interview