Hindi makakamit ng Pilipinas ang tinatawag na “herd immunity” kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung walang bakuna.
Ito ang pananaw ng health expert at dating pangulong ng Philippine Foundation Vaccination na si Dr. May Montellano.
Sa webinar na inorganisa ng Philippine Medical Association, sinabi ni Montellano na may kinakailangang threshold o margin ng general population ang dapat maging immune sa COVID-19 bago makuha ang herd immunity.
Sa ngayon kasi aniya ay mababa pa lamang ang bilang ng mga nakarekober sa COVID-19 kumpara sa populasyon ng bansa na nasa isang daang milyon.
Paliwanag ni Montellano, makakamit ang herd immunity kung magkakaroon ng outbreak o magsasagawa ng mass vaccination sa malaking porsyento ng populasyon.
Una rito, iniulat ng Agence France Presse na ang isinagawang pag-aaral kung saan tinatayang 46% ng populasyon sa Manaus City, Brazil ang nagtataglay na ng anti-bodies laban sa COVID-19 disease.
Nangangahulugan anila ito ng posibilidad na magiging mabagal na ang hawaan ng sakit sa naturang lungsod dahil sa malaking porsyento ng populasyon doon ang immune na o may tinatawag nang herd immunity.