Inaasahan na ng kampo ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ang desisyon ng Korte Suprema na payagang mailibing ito sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Atty. Oliver Lozano, isang kilalang Marcos loyalists, malinaw namang ang paglilibing kay Marcos ay kagustuhan ng mas nakararaming Pilipino.
Dahil dito, sinabi ni Lozano na imumungkahi niya sa mga Marcos na magkaroon ng funeral march mula Batac hanggang Metro Manila upang makalahok ang lahat ng gustong makipaglibing sa yumaong dating Pangulo.
Bahagi ng pahayag ni Atty. Oliver Lozano
Funeral for a soldier
Libing na nararapat sa isang sundalo at hindi state funeral.
Ito ayon kay Ilocos Norte Governor Imee Marcos ang nais ng kanilang pamilya para sa amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Sinabi ng gobernadora na simpleng paglilibing lamang ng isang sundalo ang gusto nilang mangyari at hindi sila humihingi ng bonggang paghihimlay sa kanyang ama.
Bukod dito, ipinabatid ng dating presidential daughter na hindi nila kinukunsidera ang pagkakaruon ng public viewing para sa namayapang ama.
Kasabay nito, inihayag ni Imee na hindi pa sila nakapagtatakda ng petsa ng libing ng ama sa Libingan ng mga Bayani dahil kailangang hintayin pa ang final decision ng Korte Suprema.
No date yet
Wala pang itinatakdang petsa kung kailan ihahatid sa huling hantungan si dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ng pamilya Marcos, ito ay dahil mayroon pang panahon ang petitioners na magsampa ng motion for reconsideration hinggil sa pagpapalibing kay Marcos.
Tiniyak din ni Rodriuguez na igagalang ng pamilya Marcos ang magiging pinal na desisyon ng Korte Suprema at umaasa ang mga ito na ganito din ang gagawin ng mga petitioner.
Bahagi ng pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ng pamilya Marcos
Samantala, hindi masama kung dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa libing ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, sa Libingan ng mga Bayani.
Sinabi ni Rodriguez, na personal na pasya ng Pangulo ang pagdalo sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay Rodriguez, simple lang ang gusto ng pamilya Marcos pagdating sa paglilibing sa dating Pangulo dahil nais lang nilang mailibing na ito.
Bahagi ng pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ng pamilya Marcos
By Len Aguirre | Judith Larino | Katrina Valle | Karambola