Limang milyong piso at bagong bahay at lupa ang naghihintay na gantimpala para kay Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Ayon kay Diaz, sa pamamagitan ng kanyang matatanggap na cash prize ay mabibili na niya ang lupa na kinatitirikan ng kanilang bahay sa Zamboanga City.
Plano ni Diaz na magtayo doon ng weightlifting gym upang makapag-training ng mga bagong weightlifter.
Siniguro naman ni Philippine Sports Commission Chair Butch Ramirez ang nangako ng realtor at developer na Deca Homes na brand new house and lot sa bawat Pilipinong manlalarong makakasungkit ng medalya sa Rio Olympics.
Blessing
Nagbunyi ang pamilya ni Hidilyn Diaz sa Zamboanga City makaraang makasungkit ang Pinay weightlifter ng silver medal sa 31st Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ayon kay Emelita Diaz, isang magandang regalo para sa kanyang kaarawan noong Linggo ang pilak na medalyang napanalunan ng anak na si Hidilyn.
Aminado naman si Mang Eduardo na hindi matatawaran ang husay ng anak sa weightlifting dahil 9 na taong gulang pa lamang ito ay nagpakita na ng interes sa naturang sport.
Samantala, umaasa ang dating coach ni Hidilyn na si Bong Atillano na hindi “lalaki ang ulo” ng Pinay Olympic medalist sa kabila ng tagumpay na nakamit nito.
Naka-silver medal ang atleta sa 53 kilogram sa Group A ng Women’s event kung saan kabilang sa kanyang nakalaban sina Hsu Shu-Ching ng Chinese Taipei na naka-gold at Yoon Jin-Hee ng South Korea na naka-bronze.
Hero’s welcome
May aasahang hero’s welcome si Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz sa pagbalik nito sa bansa mula sa Brazil.
Ayon mismo kay Pangulong Duterte, napabilib siya sa ipinakitang galing ng atletang Pinay na mula sa Mindanao.
Pinasalamatan ng Pangulong Duterte si Diaz sa karangalang ibinagay nito sa bansa.
Bahagi ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte
By Rianne Briones | Ralph Obina