Pinaiimbestigahan ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Party List Representative Bernadette Herrera ang palpak at mabagal na implementasyon ng Philippine Identification System (PhilSys) na naisabatas nuong 2018.
Batay sa inihaing House Resolution 471, dapat magkaroon ng accountability mechanism sa proyekto upang malaman ang mga naging problema at kung papaano ito maitatama.
Hiniling din ni Herrera na palitan na rin ang mga namumuno sa PSA dahil sa kabiguang maipatupad ng maayos at mabilis na ang National ID System na nakatulong sana ng malaki para mapahusay ang paghahatid ng serbisyo sa publiko.
Dapat magpaliwanag ang mga ahensyang nangangasiwa sa proyekto na kinabibilangan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), National Economic and Development Authority (Neda) at Philippine Statistics Authority (PSA).
Inatasan na aniya ang Bangko Sentral ng Pilipinas na gumawa ng 116- M Pre-Personalized ID’s mula 2021 hanggang 2023 perohanggangngayonhindi pa ito nakukumpleto.
Matatandaang nuong kasagsagan ng pandemya ay ipinag-utos ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte ang agarang implementasyon ng PhilSys para mabilis matukoy ang pinakamahihirap na pamilya na kailangang bigyan ng ayuda habang may umiiral na mga lockdown.