Karagdagang P1 milyon ang tatanggapin ni Olympic Gold Medalyst Hidilyn Diaz mula sa liga ng mga gobernador.
Nakasaad ito sa resolusyon ng League of Provinces of the Philippines, na nilagdaan nina National Chairman at Governor Dakila Carlo Cua, National President at Governor Presbitero Velasco Jr. at Governor Nelson Dayanghirang na Secretary-General ng LPP.
Pinapurihan ng mga gobernador ang pagsusumikap ni diaz at ang mga nakamit nitong karangalan gaya ng pagsali sa Asian Weightlifting Championship at World Weightlifting Championship kung saan nanalo siya ng gold noong 2018 at 2019.
Humanga rin ang mga opisyal sa katatagan ng atletang tubong Zamboanga dahil sa kabila ng pandemya, hindi ito tumigil na mabigyang karangalan ang bansa.
Nasungkit ni Diaz ang ginto sa women’s 55 kilo category sa weightlifting event sa 2020 Tokyo Olympics.—sa panulat ni Drew Nacino