Karagdagang P5-M ang matatanggap ng 2020 Tokyo Olympic Gold Medalist na si Hidilyn Diaz mula sa Philippine Sports Commission (PSC).
Bukod pa ito sa P59-M na matatanggap ng Pinay Olympian mula sa gobyerno at iba’t ibang business tycoons gaya nina Ramon Ang ng San Miguel Corporation at Manny Pangilinan ng First Pacific.
Sa ilalim ng Republic Act 10699 o Expanded Incentives Act, tatanggap ng cash incentives ang mga national athlete at iba pang atleta na babasag ng Philippine Record o ranking sa anumang International Sports Competition.
Magugunitang binasag ni Diaz ang olympic records matapos bumuhat ng 127kg sa clean-and-jerk at bumitbit ng kabuuang 224kg sa weightlifting event.
Ang 30 anyos na Zamboangueña ang kauna-unahang Filipinang sumungkit ng gintong medalya sa olympics sa nakalipas na halos 90 taon. —sa panulat ni Drew Nacino