Kumbinsido si Senator Antonio Trillanes IV na may bahid pulitika ang hidwaan sa pagitan nina Commission on Elections (COMELEC) Chairman Andres Bautista at Commissioner Rowena Guanzon.
Ayon kay Trillanes, wala sa katuwiran si Guanzon nang magsumite ang kanilang tanggapan ng komento sa Korte Suprema hinggil sa diqualification case ni Senator Grace Poe.
“Hindi talaga maganda ang nangyari diyan pero lumalabas talaga ang mga political motivations nung bawat commissioner, at eto nga itong kay Commisisoner Guanzon, pinasa niya yung position ng COMELEC, eh siya lang ang nakapirma, talagang kahit gaano mo paikutin yan, collegial body yan eh.” Ani Trillanes.
Kinatigan din ni Trillanes ang pahayag ng kapwa senador na si Chiz Escudero na banta sa demokrasya si Guanzon.
“I will agree to that dahil delikado ang mga ganyang may nagsasarili, at sabi nga niya ini-insist ni Commissioner Guanzon na sumusunod sila sa batas kaya nila gustong i-disqualify si Senator Grace Poe, pero siya hindi siya sumunod eh, nagsasarili siya, makikita mo dito na may tulak itong political interest.” Pahayag ni Trillanes.
Malacañang
Kumpiyansa naman ang Malacañang na mareresolba ng Commission on Elections ang hidwaan sa pagitan ng kanilang mga opisyal hinggil sa disqualification case ni Senator Grace Poe.
Ito ang reaksyon ni Presidential Communications Operations Office Secretary Herminio Coloma matapos kuwestyunin ni COMELEC Chairman Andres Bautista ang pagsusumite ng komento ni Commissioner Rowena Guanzon sa naturang kaso sa Korte Suprema nang walang otorisasyon ng En Banc.
Ayon kay Coloma, isang independent body ang COMELEC at maiging hintayin na lamang ang resulta ng magiging diskusyon ng En Banc nito.
Nakatakda anyang magpulong ang En Banc upang talakayin ang issue at kailangan ng maayos ang gusot sa pagitan nina Bautista at Guanzon lalo’t halos apat na buwan na lamang ang nalalabi bago ang halalan.
Tiniyak naman ni Coloma na sa publiko na walang dapat ipangamba dahil maaayos naman ang hidwaan ng dalawa upang hindi na makaapekto sa preparasyon sa eleksyon sa Mayo.
By Drew Nacino | Ratsada Balita