Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Port of Clark ang isang package na naglalaman ng halos kalahating kilo ng high-grade marijuana o kush na nagkakahalaga ng mahigit 805,000 pesos.
Idineklarang “replacement filter” Ang package na galing umano sa California, USA.
Dumaan ang parcel sa x-ray scanning at K9 sniffing operation kung saan nadiskubre ang iligal na droga.
Sumailalim din ito sa chemical laboratory analysis ng PDEA at nakumpirmang marijuana habang isang warrant of seizure and detention ang inilabas ng Aduwana alinsunod sa Customs Modernization And Tariff Act kaugnay ng Comprehensive Dangerous Drugs Law.
Pinapurihan naman ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang kanyang mga tauhan sa pagganap sa kanilang mandato na pigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal na gamot.
Tiniyak din ni Rubio na paiigtingin ng BOC-Clark ang pagbabantay lalo ngayong magpapasko at marami ang dumarating na package sa bansa bilang bahagi ng kampanya kontra iligal na droga, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.