Nasa isandaan tatlumpu’t anim na milyong pisong halaga ng shabu ang nasabat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa nadiskubreng laboratoryo sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa.
Dakong ala una kaninang madaling araw nang salakayin ng PDEA ang isang bahay sa 304 Mabolo Street kung saan tumambad ang nasa dalawampung kilo ng shabu habang tatlo katao ang naaresto.
Ayon sa PDEA, ginamitan ng makabagong teknolohiya ang laboratoryo dahil hindi amoy ang kemikal na sangkap sa paggawa ng iligal na droga pero kapansin-pansin na puro patay ang halaman sa paligid ng bahay.
Samantala, inaalam na rin ng mga otoridad kung sino ang kilalang personalidad na posibleng nasa likod ng operasyon o ang may-ari ng bahay na nagsilbing shabu lab. — Mula sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)