Tinatamasa pa rin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang mataas na approval at trust rating.
Batay sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, walo sa bawat sampung Pinoy o katumbas ng walumpu’t tatlong (83) porsyento ang nagtitiwala sa pamumuno ng pangulo.
Tatlong porsyento lamang itong mas mababa kumpara sa walumpu’t anim (86) na porsyentong approval at trust rating ng Pangulo noong Setyembre.
Lumalabas sa survey na limang porsyento lamang ng mga Pinoy ang walang tiwala habang apat na porsyento ang hindi aprub sa mga ginagawa ng Pangulo.
Nasa labing tatlong (13) porsyento naman ng mga Pinoy ang undecided sa performance at tiwala sa Pangulong Duterte.
Ang naturang survey ay ginawa noong Disyembre 6 hanngang 11 sa kasagsagan ng pagbibitiw sa gabinete ni Vice President Leni Robredo at protesta ng mga tutol sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Samantala, nagpasalamat ang Malacañang sa patuloy na suporta at kumpiyansa ng publiko sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay makaraang makakuha ang Pangulo ng 83 porsyento ng approval at trust rating sa Pulse Asia survey.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang mataas na tiwalang ito ng publiko sa Pangulo ay nangangahulugan lamang na nagsimula nang maramdaman ng maraming Pilipino na sila ay ligtas sa kanilang mga tahanan at maging sa mga lansangan matapos bumaba ang kaso ng homicide, rape, robbery, theft at carnapping.
Ngayong taon, target aniya ng gobyerno na matupad ang pangako ng Pangulong Duterte noong panahon ng kampanya na gawing kumportable ang buhay ng bawat mamayang Pilipino.
By Ralph Obina