Inihayag ng Department of Health o DOH na bibigyan ng libreng dengue vaccine ang mga mahihirap na bata na 9 na taong gulang sa tatlong rehiyon sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Janette Garin, ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagkakaloob ng bakuna laban sa dengue sa mga government schools kung saan mataas ang bilang ng mga nadadapuan ng nasabing sakit.
Sinabi ni Garin na kabilang sa mga makikinabang ang mahigit 1 milyong bata na nag-aaral sa mga eskuwelahan sa National Capital Region o NCR, Region 3 (Central Luzon) at Region 4-A (Mimaropa).
Sinasabing itinakda ang vaccination o pagbabakuna sa mga buwan ng Marso at Sepyembre, taong kasalukuyan.
Dagdag ni Garin, malaking diskwento ang ibinigay sa gobyerno ng manufacturer ng vaccine na Sanofi Pasteur na inaprubahan na rin ng Food and Drug Administration o FDA.
Market availability
Samantala, mabibili na sa Philippine market simula sa susunod na linggo ang dengue vaccine.
Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Janette Garin, tanging sa Pilipinas ginawa ang tatlong bugso ng clinical trial para sa dengue vaccine indikasyon na mahusay ang mga Pinoy researcher.
Naglaan na aniya ng P3 billion pesos ang gobyerno sa 2016 national budget para sa naturang bakuna.
Inihayag ni Garin na sa ngayon ay mataas ang presyo ng dengue vaccine dahil ang kumpanyang Sanofi Pasteur lamang ang gumagawa nito.
Nabigyan lamang ng diskwento ang Pilipinas nang magpulong ang Department of Finance at mga executive ng Sanofi sa APEC Summit noong Nobyembre.
At karagdagang 34 percent discount din ang ibinigay matapos namang makausap ni Pangulong Noynoy Aquino ang isa pang opisyal ng naturang kumpanya sa France.
By Drew Nacino | Jelbert Perdez