Mahigit isandaang (100) babaeng mag-aaral ang pinaniniwalaang dinukot ng teroristang grupong Boko Haram sa bayan ng Yobe, Nigeria.
Bago umano ang insidente, ilang putok ng baril ang umalingangaw na sinundan ng pagharurot ng hindi mabatid na bilang ng sasakyan malapit sa isang paaralan.
Bagaman itinanggi ng Nigerian Police at Regional Education Ministry na mayroong naganap na kidnapping, nananawagan naman ang ilang magulang at testigo na hanapin ang kanilang mga nawawalang anak.
Sa oras na makumpirma, ito na sa ngayon ang magiging pinakamalaking bilang ng sibilyang binihag ng Boko Haram simula nang kanilang dukutin ang mahigit 270 estudyanteng babae sa bayan naman ng Chibok, noong 2014.
—-