Naitala ang pagsuko ng isandaan at walongpo’t walong (188) miyembro ng New People’s Army o NPA sa loob lamang ng unang tatlong linggo ng kasalukuyang buwan.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Colonel Edgard Arevalo, naniniwala sila na dahil ito sa naging panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sumuko na ang mga miyembro ng NPA at nangakong makakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan upang makapagsimula muli.
Samantala, umaasa naman ang AFP na patuloy pang dadami sa mga susunod na araw ang mga susukong rebelde dahil sa nararanasang demoralisasyon sa kanilang hanay.
Una nang tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff, General Rey Leonardo Guerrero na ipagpapatuloy ng militar ang pinaigting na operasyon kontra New People’s Army (NPA).
Ayon kay Guerrero, target nilang mapababa ang bilang ng mga rebelde sa kalahati ngayong taon na kasalukuyang nasa tatlong libo at pitongdaan (3,700).
Dapat aniyang mapanatili ang momentum ng operasyon laban sa CPP-NPA lalo’t idineklara na itong teroristang grupo alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.