Mahigit 100 Overseas Filipino Workers (OFWs) patungong Dubai ang pinigil makasakay ng kanilang flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Kasunod na rin ito nang biglaang pag-obliga ng United Arab Emirates (UAE) sa lahat ng arriving, transfer at transit passengers mula sa ibang bansa, kabilang ang Pilipinas, ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) negative swab test result bago sila makaalis.
Dahil sa nasabing bagong polisiya, 68 mula sa 168 pasahero pa-Dubai ang nakasakay na rin ng eroplano.
Sinabi naman ng mga nasabing pasahero na last-minute na lang nang sabihin sa kanila ang hinggil sa naturang polisiya.
Tinangka namang makipagnegosasyon ang Philippine Airlines (PAL) sa gobyerno ng UAE para payagang makasakay na ang mga Pinoy subalit tinanggihan ito ng nasabing bansa.
Pinayuhan na lang ng PAL ang mga pasahero na mag rebook na lang ng flights o i-refund ang kanilang bayad sa ticket.