Mahigit sa 100 turista mula sa China ang hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon kay Cielo Villaluna, spokesperson ng Philippine Airlines (PAL), ang mahigit 100 turista ay kabilang sa halos 300 pasahero ng tatlong eroplano mula sa China na nakapasok pa ng bansa bago ini-anunsyo ang ban sa mga magmumula ng China, Hong Kong at Macau.
Dalawampu (20) anya ang agad namang nakasakay ng ibang airline pabalik ng Hong Kong samantalang ang halos 80 iba pa ay isasakay nila sa chartered flight pabalik ng China.
They are being well-taken care of, water supply is continuing and of course ‘yung food supply, they were given blankets and they were being assured also that all steps are being taken to ensure that they will be able to go back to their point of origin,” ani Villaluna.
Aminado si Villaluna na malaki ang epekto ng ban sa PAL.
Humigit kumulang anya sa 18,000 pasahero mula sa China, Hong Kong at Macau ang mawawala sa PAL sa loob lamang ng isang linggo.
Gayunman, tiniyak ni Villaluna ang buong suporta ng PAL sa adhikaing ito ng pamahalaan para maiwasan ang paglaganap ng 2019 novel coronavirus (nCoV). —sa panayam ng Ratsada Balita
PAL, Cebu Pac aminadong malaki ang impact sa kanila ng travel ban
Kapwa aminado ang Philippine Airlines (PAL) at Cebu Pacific sa laki ng impact sa kanila ng ban sa lahat ng magmumula sa China, Hong Kong at Macau.
Gayunman, kapwa rin nagpahayag ng suporta ang dalawang airlines sa adhikain ng pamahalaan na mapigilan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus (nCoV).
Ayon kay Cielo Villaluna, major market ng PAL ang China kasama ang Hong Kong at Macau at aabot sa 18,000 pasahero kada linggo ang mawawala sa kanila dahil sa ban.
If you do the Math, makikita po ninyo na may effect, talagang kailangang magsakripisyo, this is a protective measure that is being implemented that will benefit the global community. Kami po sa pamunuan ng Philippine Airlines, we are supportive of this measure and we are hoping for the kind understanding of our passengers,” ani Villaluna. —sa panayam ng Ratsada Balita
Sinegundahan ito ni Charo Logarta, ang tagapagsalita naman ng Cebu Pacific.
Sa katunayan, sinabi ni Logarta na sa kanilang sariling paraan ay tumutulong rin sila na matiyak na hindi lalagap ang nCoV sa bansa.
Nagsasagawa anya sila ng disinfecting sa bawat biyahe ng eroplano at may mga nakahanda silang mask para sa mga pasahero na may ubo o sipon.
Nagkagulatan nang i-anunsyo ng Malacañang ang ban sa pagpasok sa bansa ng sinumang magmumula sa China, Hong Kong at Macau.
Dahil dito, sinabi ni Grifton Medina, port operations chief ng Bureau of Immigration (BI), na nagpasya sila na huwag nang magpapasok ng kahit anong nasyonalidad basta mula sa China, Hong Kong at Macau.
Umabot anya sa 200 hanggang 300 pasahero ang hindi nila pinapasok dahil galing ang mga ito sa China, o sa Hong Kong o Macau.
Ayon kay Medina, nagpalipas ng gabi sa exclusion room ng NAIA ang mga dayuhan habang nag-aantay ng flight pabalik sa kanilang bansa.