WALANG tigil ang pagsisikap ng isang telco o telecommunications company na panatilihing ligtas ang publiko laban sa mga malisyoso at mapanlinlang na mga aktibidad online.
Sa katunayan, naharang nito ang mahigit 138 milyong spam at scam messages mula Enero hanggang Hunyo 15 ngayong taon.
Pinakamaraming nasalang na mensaheng spam at scam ang Globe noong Mayo na umabot sa 74.48 milyon.
Kasama sa kabuuang bilang ang mga lokal at internasyonal na app-to-person (A2P) at person-to-person (P2P) messages.
Maliban dito, na-deactivate din ng telco ang 12,877 mobile numbers mula Enero hanggang Mayo dahil sa mga report ng customers gamit ang Stop Spam web portal ng kompanya.
“Naging mabilis ang digital adoption ng mga Pilipino dahil sa epekto ng pandemya. Dahil dito, marami ring naging cybersecurity threats, katulad ng mga spam at scam messages,” paliwanag ni Anton Bonifacio, Globe Chief Information Security Officer.
“Kaya mas pinaigting ng Globe ang ating mga hakbang para sa pag-block ng spam messages sa pamamagitan ng ating filtering system. Nagpapasalamat din kami sa publiko sa kanilang vigilance at patuloy na pag-uulat ng mga spam at scam messages sa aming reporting portal,” ani Bonifacio.
Ang sitwasyong ito ay hindi natatangi sa Pilipinas dahil ang cybercrime ay isang pandaigdigang banta.
Kaya naman, para labanan ang mga ito, nag-invest ang kompanya sa mga tools para ma-monitor at mapigilan ang mga kahina-hinalang nilalaman ng Internet at mabilis na makapag-report ang mga empleyado, customer, at mga partner.
Nabatid na mula pa noong 2014 ay sinimulan nang palakasin ng Globe ang kakayahan nito para labanan ang cybersecurity threats para mas maprotektahan ang mga customer.
“Prayoridad ng Globe ang proteksiyon at kaligtasan ng aming customers mula sa mga banta na ito. Kaya naman patuloy ang aming investment sa mga sistema at proseso para mapalakas ang aming depensa laban sa security threats online. Ang pinakamalaking ROI sa mga investment na ito ay ang peace of mind at safety ng aming customers,” dagdag pa ni Bonifacio.