Ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang maging payapa at masagana ang Marawi City habang dumarami ang mga bumabalik na internally displaced persons o IDP’s.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, batay sa ulat ng Task Force Bangon Marawi, umaabot na sa 14,319 na pamilya o 71,595 na indibidwal ang mga nakauwi na sa kani – kanilang mga tahanan sa 19 na barangay sa lungsod.
Pahayag ni Andanar, lahat ng mga pamilyang nagsibalik sa siyudad ay pinagkalooban ng mga pangunahing serbisyo at programang pangkabuhayan upang makapagsimula muli.
Kinabibilangan aniya ito ng financial assistance, pabaon food packs, hygiene kits at kitchen kits.
Target ng militar na tapusin ang clearing operations sa Marawi sa Abril ng susunod na taon.
Mahalaga aniyang malinis mula sa mga bomba ang buong main battle area bago pabalikin ang mga residente at papasukin ang demolition team na maglilinis sa lungsod.