Tinatayang mahigit 18,000 na mga barangay pa sa buong bansa ang kinakailangang malinis sa ilegal na droga.
Ito’y ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Director General Aaron Aquino kung saan layon aniya ng kanilang ahensya na malinis na sa illegal drugs ang nasa 18,712 na mga barangay sa taong 2022.
Katumbas ng naturang bilang ang 44.5% ng kabuuang 42,045 na mga barangay sa buong bansa.
Sa naitalang bilang na 18,712 barangays —7,817 sa mga ito ay itinuturing bilang ‘slightly affected’; 10,616 bilang ‘moderately affected’; at nalalabing 278 bilang ‘seriously affected’ sa ilegal na driga.
Ayon sa PDEA, ang mga barangay na inihahanay sa ‘slightly affected’ ay iyong mga mayroon pang napapaulat na presensiya ng droga sa kanilang lugar; ‘moderately affected’ naman kung mayroon pang mg napapaulat na mga nagbebenta ng ilegal na droga bukod pa sa gumagamit nito; at ‘seriously affected’ kung mayroon pang napapaulat ng presensiya ng lugar na pinamumugaran ng droga o drug den, drug laboratory, taniman ng marijuana at kung talamak pa rin ang mga personalidad na gumagamit, nagbebenta, protektor, financier, at manufacturer ng illegal drugs.
Lumalabas naman sa datos ng PDEA na naitala sa National Capital Region (NCR) ang pinakamataas na rate na 72.7% ng mga barangay na apektado pa rin ng illegal drugs.
Narito naman ang mga rehiyon na nakapagtala rin ng mataas na rate na drug-affected barangays:
- Region VII – 72.4%
- Region V – 68.9 %
- Region III – 63.6%
Samantala, ilang rehiyon naman ang mayroon pa ring mababang rating ng drug-affected barangays:
- CAR – 7.2%
- Region VIII – 17.5%
- Region XIII – 17.7%
- Region IV-A – 55.7%