Mahigit 1,000 na ang nagparehistro para maging miyembro ng Metro Manila Emergency Volunteer Corps na tutugon sakaling tumama ang malakas na lindol sa kalakhang Maynila.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), target nilang makakuha ng 8,000 miyembro bagamat nasa 1117 volunteers pa lamang ang nakapagpapatala sa kanila kung saan bukas sa may edad 18 pataas at may maayos na pangangatawan.
Muling ipinabatid ng MMDA na hahatiin ang mga miyembro ng volunteers sa apat na grupo o tig-dalawang volunteers sa northern, southern, eastern at western quadrants ng Metro Manila.
Maaaring magparehistro ang mga nais maging volunteer sa website na www.bepreparedmetromanila.com kung saan din i-aanunsyo ng MMDA ang mga kuwalipikadong sumabak sa 3-araw na training na ibabatay sa kakayahan ng volunteer.
By Judith Larino