Mahigit 2-milyon katao mula sa 12 rehiyon sa buong bansa ang naapektuhan ng Super Typhoon ‘Rolly’.
Batay ito sa inilabas na datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, mahigit 372,000 pamilya o katumbas ng mahigit 2-milyong indibiduwal ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Rolly.
Aniya, mula ang mga ito sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western, Eastern Visayas at Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR).
Samantala, tinatayang mahigit 108,000 pamilya o katumbas ng halos 390,000 indibiduwal mula sa Regions 3, CAR, NCR, CALABARZON, 5 at 8 ang isinailalim sa preemptive evacuation.
Sinabi ni Jalad, sa kasalukuyan ay patuloy pa ang kanilang isinasagawang assessment sa halaga ng pinsalang idinulot ng Bagyong Rolly sa bansa.