Mahigit 200 youth leaders mula sa 10 ASEAN countries, kabilang ang Timor Leste at mga opisyal mula sa international development organizations, ang nagtipon-tipon sa kauna-unahang international Youth-led Summit na inilunsad ng Southeast Asian Ministers of Education Organization – Regional Center for Educational Innovation and Technology (SEAMEO INNOTECH) nitong June 27-28 sa Quezon City.
Layon ng “Youth Summit 2023: Transforming Education in Southeast Asia” na magbigay ng plataporma para sa kabataan na talakayin ang mga usapin hinggil sa kanilang papel sa paghubog ng edukasyon sa rehiyon.
Ayon kay INNOTECH Center Director at dating Education Secretary Leonor Briones, sa pamamagitan ng Youth Summit na ito, naibahagi ng kabataan ang kanilang mga ideya, programa at mga rekomendasyon kung paano mapabubuti ang antas ng edukasyon hindi lang sa loob ng eskwelahan, kundi maging sa komunidad at kani-kanilang bansa.
“This is a wonderful transformation of how the youth can convey their views on what our policy makers could do to take care of them. Focus on the youth is one of the major thrusts of SEAMEO INNOTECH. Legislators pass laws, bureaucrats issue memoranda, and teachers tell us how to behave and give us tests, but we must hear from the young people themselves,” dagdag ni Briones.
Kaiba sa mga Youth Summit na isinasagawa sa Pilipinas, maituturing aniyang tagumpay ng kabataan ang summit na ito na sila mismo ang bumuo, nanguna at pinakinggan.
“After all, it is your future. The time will come when you will be running your respective countries, the time will come when you will be occupying positions of responsibility, the time will come when you will demand change. So you will give feedback to the policymakers, give feedback to the people, on what you will consider as important to you,” ayon kay Briones.
Sa pagbubukas ng Summit, inilahad ng kabataan ang Youth Declaration na naglalaman ng kanilang mga rekomendasyon at ‘Commitments for Action’ para sa edukasyon, kabilang na rito ang hiling nila sa policymakers na isama ang kabataan sa pagdidisensyo, implementasyon at evaluation ng mga polisiya na may kinalaman sa edukasyon. Nais din nila na paglaanan ng pondo ang mga inisyatibong may kaugnayan sa youth leadership.
Ipiniresenta rin ng youth leaders ang kani-kanilang mga programa at adbokasiya sa pamamagitan ng breakout sessions na nakatutok sa walong usapin, kasama ang youth leadership, inclusive education, digital learning and transformation, learning support, learning through arts and technology, entrepreneurship, environmental resilience, at psychosocial and mental well-being.
Sumentro naman ang ikalawang araw ng summit sa panel discussion kung saan ipiniresenta ng mga kabataan ang kanilang mga rekomendasyon, programa at inobasyon sa mga opisyal ng gobyerno, ASEAN Secretariat, UNICEF Philippines, UNESCO at iba pang international development organizations na nagbigay naman ng kani-kanilang ‘Commitment of Support’.
Ang mga programa at rekomendasyon na ito ay gagamiting pamantayan ng INNOTECH sa kanilang mga pag-aaral at programa para sa pagpapalakas ng sistema ng edukasyon sa rehiyon.
Isusumite rin ito sa United Nations, maging sa ASEAN government bodies at mga mambabatas sa loob at labas ng Pilipinas, para sa mas malawak na implementasyon.