Malaki ang natulong nang ipinatupad na limitasyon ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo sa pagsasagawa ng imbestigasyon para maaprubahan ang priority bills ng Duterte Administration.
Ayon ito kay Congressman Joey Salceda dahil mula sa mahigit 700 resolusyon na inihain para sa inquiries in aid of legislation ay 14 na lamang ang napagbigyang talakayin sa mga komite.
Naging daan aniya ito para ituon ng mga kongresista ang kanilang atensyon sa paggawa at pagpasa ng mga batas na talagang trabaho nila.
Sinabi pa ni Salceda na lahat ng committee meetings ay dinadaluhan ni Arroyo para mapabilis ang pagtalakay at pagkakasundo sa nilalaman ng priority bills na nasa agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya’t inalis ang mga hadlang sa proseso at naipasa ang mga ito sa tamang oras.
Mula sa halos 900 panukala na prinoseso sa ilalim ng liderato ni Arroyo, 250 ang naisabatas kabilang na ang Bangsamoro Organic Law, Enhanced Universal Health Care Act, Rice Tariffication Law at Tax Amnesty.