Mahigit 200 partylist organizations ang nakasama sa raffle ng Commission on Elections (COMELEC) upang malaman ang puwesto nila sa official ballot sa May 2016 elections.
Nasungkit ng ang Bayaning Kawal at Pulis Inc. o ABAKAP ang number one slot sa balota kahit na-disqualify na ito sa division level ng poll body subalit may nakabinbin pa itong apela.
Nilinaw naman ni COMELEC Chairman Andres Bautista na hindi pa final ang listahan dahil maaaring makahabol pa ang ilang disqualified groups kapag nakapaghain ng kanilang mosyon.
Ayon kay Bautista, kapag may na-disqualify namang partido ay aakyat ang posisyon ng mga nasa ibaba.
Kabilang naman sa mga nakapasok sa top 20 slots ang Gabay ng Seniors, Ako Senior Citizen, Anti-Drugs Advocate, Abante Bicol Oragon o ABO, Abang Lingkod, at Awat Mindanao.
Matatandaang noong 2013 elections pa sinimulan ng COMELEC pagra-raffle sa listahan ng mga partylist organization sa balota dahil liyamado umano ang mga partidong nagsisimula ang pangalan sa letrang “A.”
By Jelbert Perdez