Mahigit dalawandaang (200) traffic enforcers ang ide-deploy sa bahagi ng Commonwealth Avenue, Quezon City kasabay ng pagsasara ng Tandang Sora flyover at intersection simula sa Sabado, Pebrero 23.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority o MMDA General Manager Jojo Garcia, magtatalaga sila ng isandaan apatnapung (140) tauhan upang magbigay tulong sa mga motoristang inaasahang maiipit sa mabigat na trapiko.
Bukod sa mga MMDA personnel, magde-deploy din ang Quezon City Department of Public Safety ng kanilang mga tauhan.
Samantala, aminado si Garcia na mahihirapan silang pangasiwaan ang daloy ng trapiko sa lugar lalo’t inaabot ng dalawa hanggang tatlonglibo ang dumaraang sasakyan sa Commonwealth Avenue at Tandang Sora intersection.
Ipasasara ang tulay maging ang intersection upang magbigay daan sa konstruksyon ng MRT-7.
—-