Inaasahang tataas ng 10 hanggang 15 porsyento ang mga sasakyang daraan ng North Luzon Expressway o NLEX ngayong Holy Week.
Ipinabatid sa DWIZ ni Kiko Dagohoy, tagapagsalita ng NLEX na umaabot sa 190,000 sasakyan kada araw ang dumadaan sa NLEX at inaasahang lolobo ito dahil sa mga nagsisipag-uwian sa kani-kanilang probinsya.
“Pag ganitong mga peak season kagaya ngayong Holy Week, tumataas po ito ng 10-16 percent mula doon sa daily average mahigit po sa 220,000 ang sasakyang dadaan sa NLEX ngayong Holy Week, kung ikukumpara sa Undas o Pasko, ang Holy Week talaga ang mas maraming nag-uuwian na mga motorista.” Ani Dagohoy.
Hinimok din ni Dagohoy ang mga motorista na silipin ang “N-LIGTAS” o North Luzon Integrated Guide and Travel Advisory System para malaman ang sitwasyon ng trapiko sa NLEX.
“Meron na po tayo ngayong real time traffic advisory system, ito po yung ‘N-LIGTAS’, para po ito sa real time traffic situation sa NLEX para maplano ang kanilang biyahe, meron na din po itong mobile app, mada-download po ito for free sa Android at IOS phones at hanapin lang po nila ang NLEX sa play store.” Pahayag ni Dagohoy.
By Meann Tanbio | Ratsada Balita