Inaasahang darating na sa bansa sa susunod na buwan ang mahigit 23,000 kahon ng mga personal protective equipment (PPE) na binili ng Pilipinas sa China.
Kasunod ito ng pagdating ng barko ng Philippine Navy sa Xiamen, China nitong Sabado para kunin ang mga biniling PPE ng Department of Budget and Management (DBM) na gagamitin ng mga frontliners.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson Lt. Commander Maria Christina Roxas, sinalubong ng mga miyembro ng People’s Liberation Army Navy ang BRP Bacolod City sa pantalan ng Xiamen at saka sinamahan patungong pantalan ng Zhangxhou.
Ika-12 ng Abril nang umalis ng Pilipinas patungong China ang BRP Bacolod City at inaasahang makababalik ng bansa sa Mayo lulan ang nasa 33 container van na naglalaman ng libu-libong mga PPEs. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)