Ibinulgar ng Land Transportation Office na ilan sa mahigit dalawampu’t apat na milyong unregistered vehicles sa bansa ay nakarehistro sa ilalim ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Dahil dito, nanawagan si LTO Chief Assistant Secretary Attorney Vigor Mendoza II sa mga ahensya ng gobyerno na ipa-renew ang rehistrasyon ng mga naturang ‘delinquent vehicles’.
Sa datos ng LTO, nalugi ng halos tatlumpu’t pitong bilyong piso ang gobyerno dahil sa outstanding payments mula sa 24.7 millon na hindi rehistradong sasakyan.
Una nang sinabi ni Asec. Mendoza na nagiging banta sa kaligtasan sa kalsada ang mga unregistered vehicles dahil maaaring hindi sumailalim ang mga ito sa road safety tests.