Pumalo na sa 26,872 na mga contact tracers ang na-hire at na-i-deploy ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGU’s) para makatulong sa isinasagawang pagtugon ng mga ito kontra COVID-19.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang higit 26k mga contact tracers ay nakuha ng ahensya makaraang maisabatas ang Bayanihan 2.
Sa ilalim kasi ng naturang batas, may 50,000 na mga contact tracers ang dapat makuha ng DILG para madagdagan ang paunang higit 97,000 na mga contact tracers na dineploy na ng health department noong nakaraang buwan.
Mababatid na ang mga contact tracers, ang naatasang mag-interview, magsagawa ng profilling, at masagawa rin ng paunang health risk assessment ng COVID-19 cases at kanilang mga close contacts at iba pang mga hakbang.
Samantala, siniguro naman ng pamunuan ng DILG, na bibigyan ng Personal Protective Equipment (PPE’s) ang mga nakuhang contact tracers, gayundin ng ilang pangunahin pangangailangan bukod sa tatanggaping sahod kada buwan.