Idineklara nang ‘drug-cleared’ ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasa 2,421 barangays mula sa 2,929 drug-affected villages sa Ilocos Region.
Sa isang virtual forum, isiniwalat ni PDEA Ilocos regional information officer Mariepe De Guzman na hindi pa rin ganap na malaya sa droga ang 508 barangays o 15.55 percent ng mga barangay sa rehiyon.
Binanggit din ni De Guzman ang kabuuang bilang ng mga drug-cleared barangays kung saan 1,089 sa Pangasinan, 456 sa La Union, 465 sa Ilocos Sur, at 411 sa Ilocos Norte.
Hindi pa cleared o drug-affected pa rin ang nasa 183 barangays sa Pangasinan, 45 sa La Union, 166 sa Ilocos Sur, at 114 sa Ilocos Norte.
Pumalo naman sa 22 high-impact operations ang naisagawa ng PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto ng 83 high-value targets.
Nakumpiska rin ang nasa 638.54 kilos ng hinihinalang shabu at 1,505 kilos ng marijuana noong 2022 na tinatayang nagkakahalaga ng P2.7 bilyon.
Katuwang naman ang ilang law enforcement agencies, nakapagkasa rin ang PDEA ng 1,746 operations na naging dahilan upang madakip ang 832 suspects habang 1,546 naman ang mga naisampang kaso.