Halos 2,700 personnel ang idedeploy ng MMDA iba’t ibang pangunahing kalsada, transport hub at simbahan sa National Capital Region.
Ito’y bilang bahagi ng “Oplan Metro Alalay Semana Santa 2022” upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa inaasahang Holy Week Exodus.
Ayon kay MMDA Chairman Romando Artes, ide-deploy ang mga nasabing personnel simula ngayong araw hanggang Abril 18.
Tutukan anya ng kanilang mga tauhan ang mga entry at exit points gaya ng North Luzon Expressway, South Luzon Expressway, Coastal Road, McArthur Highway, Mindanao Avenue at A. Bonifacio Avenue.
I-aassign din ang mga traffic enforcer at iba pang personnel sa mga simbahang madalas puntahan tulad ng Baclaran sa Parañaque City; Sto. Domingo sa Quezon City, San Agustin sa Intramuros at Quiapo Church sa Maynila.
Nagdeklara naman ang ahensya ng “no day-off at no absent policy” para sa lahat ng traffic at field personnel ngayong inaasahan na ang pagbigat ng daloy ng trapiko.