Nasa tatlongpo’t walong (38) pamilya mula sa dalawang (2) barangay sa bayan ng Candijay sa Bohol ang isinailalim na sa preemptive evacuation kasunod ng malakas na pag – ulang nararanasan sa lalawigan dulot ng bagyong Agaton.
Ayon kay Candijay Disaster Risk Reduction and Management Officer Jeryl Lacan Fuentes, itinuring na landslide prone area ang Barangay Cambane at Cadapdapan kaya’t kanila nang pinalikas ang mga pamilyang naninirahan doon.
Pansamantala namang nanunuluyan ang mga pinalikas na pamilya sa mga ginawang evacuation center sa Tambongan National High School at Cadapdapan Elementary School.
Samantala, patuloy namang binabantayan ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Sevilla sa Bohol ang posibleng pag – apaw ng ilog doon.
Ayon kay Sevilla Vice Mayor Richard Bucag, mahigpit nilang minomonitor ang posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga Barangay Lagtangan, Calinginan Sur, Guinob-an at Poblacion.
Binabantayan din ang posibleng pag – apaw ng Loboc River sa bayan ng Loboc kung saan nasa orange water level na ito.
Habang nasa sampung (10) pamilya naman ang inilikas matapos umabot sa tuhod ang baha sa Sitio Kilaton Poblacion Barangay Sta. Cruz sa bayan ng Batuan sa Bohol.