Sasamahan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang 387 na pulis mula sa National Capital Region para mag-report kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kasunod ito ng pagkontra ng Pangulo sa planong muling pagsasailalim sa training sa mga pulis na may iba’ t ibang violations.
Ngunit paliwanag ni Dela Rosa tanging minor offenses lamang ang nagawa ng mga ito hindi tulad sa mga pulis na nasasangkot sa pagpatay sa Korean businessman na si Jee ick Joo.
Sa halip na sumailalim sa retraining sa Subic, sinabi ni Dela Rosa na posibleng paglinisin na lamang ang mga ito ng water lily sa Pasig River sa paligid ng Malacañang.
Task force vs. ‘skalawags’
Samantala, bumuo na ang PNP ng task force na tututok sa mga pulis-iskalawag.
Kasunod ito ng pag-amin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno na nahaharap sa krisis ang PNP dahil sa mga tiwaling pulis.
Ayon kay Dela Rosa, pangungunahan ni Senior Supt. Chiquito Malayo ang binuong CITF o Counter – Intelligence Task Force.
Binubuo ang CITF ng 100 personnel kabilang na ang grupo ng Special Action Forces.
Hinikayat ni Dela Rosa ang publiko na isumbong ang mga mapang-abusong pulis sa CITF hotline: 0998-9702286.
By Rianne Briones