Umarangkada na rin ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa hanay ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Kabilang sa mga isinalang ang mga tauhan ng BJMP mula sa Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA na isinagawa sa kanilang punong tanggapan sa Quezon City.
Ayon kay BJMP Chief, Jail Director Allan Iral, bagama’t kailangan nila ang bakuna, subalit mas mahalagang maingatan ang mga bilangguan sa banta ng virus.
Kaya naman binigyang diin ni Iral na kailangan pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols lalo pa’t enclosed ang mga kulungan sa bansa.
Aabot sa 313 dose ng SINOVAC vaccine ang natanggap ng BJMP mula sa National Vaccination Operations Center na siyang itinurok sa mga nabanggit na tauhan ng BJMP.
Batay sa datos, nasa mahigit 6 na libong tauhan ng BJMP ang nakakumpleto na ng bakuna kontra COVID-19 habang mayroon pa silang mahigit 16 na libo pang tauhan ang nakatakda pang bakunahan.
Samantala, aabot naman sa 1,631 na mga persons deprived of liberty (PDL) na pawang senior citizen at may comorbidities ang nabakunahan na rin sa tulong ng mga lokal na pamahalaan.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)