Bumaba ng 3 beses ang naitatalang e-commerce fraud o mga panloloko sa pamamagitan ng online mula sa Pilipinas ngayong panahon ng kapaskuhan.
Batay ito sa ginawang pag-aaral ng global information at insight provider na transunion.
Anila, bumaba ng mahigit 33% ang bilang ng mga hinihinalang online retail fraud na nagmumula sa Pilipinas sa pagsisimula ng holiday ngayong 2020, kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ayon kay Transunion Philippines President and CEO Pia Arellano, isang malaking dahilan dito ang maagap na aksyon ng mga e-commerce providers para mapigilan ang mga panloloko.
Gayunman, pinapayuhan pa rin ng Transunion ang mga negosyante na manatiling nakaalerto laban sa mga manloloko na maaaring gamitin ang pandemiya para makapangbiktima.
Una nang isinusulong sa kamara ang panukalang internet transactions act na naglalayong bigyan ng proteksyon ang mga mamimili at negosyong gumagamit ng internet transactions.