Pumalo na sa mahigit 500 pamilya o katumbas ng mahigit 2,000 indibiduwal ang apektado ng bagyong ‘Ramon’ sa 22 barangay sa Bicol Region.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, mahigit 200 pamilya o halos 800 indibiduwal ang kasalukuyang nanunuluyan sa 12 evacuation centers sa mga lugar ng Tiwi sa Albay at Mercedes sa Camarines Norte.
Gayundin sa mga bayan ng Cabusao, Calabanga, Caramoan, Libmanan, Pasacao at Tinambac sa Camarines Sur at sa bayan ng Pandan sa Catanduanes.
Sampung kabahayan naman ang napinsala sa Bicol Region kung saan isa ang totally damaged habang siyam ang bahagyang napinsala.
Sa pinakahuling datos ng PAGASA, halos hindi gumagalaw ang bagyong ‘Ramon’ na huling namataan sa layong 440 kilometers silangan ng Casiguran, Aurora.