Maaari nang makauwi sa kani-kanilang mga tahanan ang mahigit 600 Pinoy repatriates —tatlong araw mula nang makabalik ng bansa nitong Huwebes, ika-11 ng Hunyo.
Ito, ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA), ay makaraang magnegatibo ang mga ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos kuhanan ng swab samples paglapag nila ng Clark International Airport.
Sa 347 seafarers mula sa Barbados at 307 land-based workers mula sa Dubai na sumailalim sa COVID-19 test, dalawa naman sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19 at dinala sa quarantine facility; habang ang mga nagnegatibo naman ay binigyan na ng health certificates ng Bureau of Quarantine.
Ayon sa BCDA, ang mabilis na pagproseso sa COVID-19 test results ay dulot na rin ng pagdami ng bilang ng mga sertipikadong COVID-19 laboratories sa labas ng Metro Manila.
Samantala, sa ngayon ay mayroon nang 25,930 kaso ng COVID-19 ang Pilipinas habang 5,954 ang mga nakarecover at 1,088 na ang bilang ng mga nasawi.