Nananatili pa rin sa mga temporary shelters ang nasa 72 pamilya sa Itbayat, Batanes, isang buwan matapos ang pagtama ng magkasunod na lindol doon.
Ayon kay Office of the Cvil Defense-Cagayan Valley Region Head Dante Balao, kanila pang hinihintay na bumuti ang panahon sa Batanes para maibiyahe ang mga construction materials mula Maynila.
Aniya, masyado pang maalon ang karagatan kaya hindi makapaglayag ang mga barko patungong Itbayat habang hindi rin makapag-landing ang maliit na eroplano isla.
Magugunitang niyanig ng tatlong magkakasunod na lindol ang Itbayat noong Hulyo 27 na nagresulta sa pagkasawi ng siyam (9) katao at pagkawasak ng mga tahanan, establisyimento, ospital at kampanaryo ng simbahan.