Pitongdaan at limampu’t tatlong (753) pulis ang nakatanggap ng meritorious promotion ngayong araw sa Camp Crame dahil sa pakikipaglaban ng mga ito sa mga teroristang Maute-ISIS at New People’s Army o NPA.
Pitongdaan at apatnapu’t lima (745) sa na-promote ay mga Special Action Force o SAF commando na tumulong mapalaya ang Marawi City mula sa Maute-ISIS.
Habang ang 8 iba pang pulis naman ay na-promote matapos matagumpay na maprotektahan ang Binuangan Municipal Police Station sa Misamis Oriental mula sa 200 armadong NPA.
Kanina, sa flag raising ceremony sa Camp Crame, mismong sina Philippine National Police (PNP) Chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa at Philippine Army Commanding General Lt. General Joselito Bautista ang nanguna sa pagbibigay ng promosyon.
Ayon kay Dela Rosa, susuntukin niya ang sinumang kumuwestyon sa ibinigay niyang promosyon.
Ito aniya ang mga uri ng pulis na dapat tularan ng mga ‘scalawags’.
Bahagya namang napaluha si Bato nang mapanood nito ang video presentation ng mga SAF na lumaban sa Marawi.
Sinabi naman ng hepe ng Army na si Lt. General Bautista na sila mismo ang nagtulak ng promosyon matapos silang mapahanga sa ipinakitang tapang at professionalism ng mga pulis na kasmaa nilang lumusob noon sa kuta ng mga terorista sa Marawi.
—-