Mahigit 700 turista, kabilang ang 10 sanggol, mula sa National Capital Region (NCR) Plus bubble ang agarang lumipad pa-Boracay nitong nakalipas na Sabado.
Ipinabatid ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ang 718 tourists ay sakay ng pitong biyahe diretso ng Caticlan Airport at lahat ay Boracay ang destinasyon.
Tiniyak ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa lahat ng mga airport para maiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kaya naman, personal na ininspeksyon ni Tugade ang pinalawak at pinagandang Kalibo International Airport.
Una nang pinayagan ng gobyerno ang leisurely trips mula NCR Plus patungo sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ mula ika-1 hanggang ika-15 ng Hunyo basta’t may negative result ng COVID-19 test at susunod sa mga panuntunan ng local government units.