Nasa kabuuang 76,837 ang naitala ng Food and Drug Administration (FDA) na tinamaan ng adverse effect matapos mabakunahan kontra COVID-19.
Lumalabas na nasa 0.10% lamang mula sa kabuuang 75.6 million indibidwal ang nakaranas ng adverse events.
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, isa sa karaniwang bagay na naiulat ay ang pagtaas ng presyon ng dugo, lalo na bago at pagkatapos ng pagbabakuna.
Ilan pa sa mga dahilan ay ang lagnat, pananakit ng ulo, pananakit sa bahagi ng nabakunahan, panghihina pananakit ng kalamnan, ubo, pagkahilo, at habang ang iba naman ay nanlalamig.
Sa kabila nito, tiniyak ni Domingo na lahat ng bakuna na ginagamit sa vaccination program ng pamahalaan ay ligtas at mabisa kaya wala dapat ikabahala ang publiko hinggil dito.