Nasabat ng mga otoridad ang mahigit kalahating bilyong pisong halaga ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na operasyon sa Cavite kaninang umaga.
Unang naaresto ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, Task Force Noah, Team Navy, at PNP-PDEG sina Dominador Robasto Omega Jr. at Siegfred Omega Garcia sa Hyacinth St., Camella Homes, Dasmariñas City.
Nakumpiska sa operasyon ang nasa 60 kilo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng mahigit 400 milyong piso, drug paraphernalia, cellphone, ilang piraso ng IDs, at mga hinihinalang sangkap at kagamitan sa paggawa ng shabu.
Sa isa pang operasyon sa Buenavista Townhomes, General Trias, nadakip naman sina Elaine Maningas, Ricardo Santillan at Laurel Dela Rosa, kung saan nasabat mula sa mga ito ang nasa 20 kilo ng pinaniniwalaang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 136 million pesos, limang cellphone, at identification cards.
Nakatakdang sampahan ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga naturang suspek. —sa ulat ni Gilbert Perdez (Patrol 13)