Tiniyak ng National Capital Region Police Office o NCRPO na ligtas na makararating sa bawat destinasyon ang mga dumarating na bakuna kontra COVID-19 sa Metro Manila.
Ito ang pagtitiyak ni NCRPO Director P/MGen. Vicente Danao Jr sa gitna ng pangambang pananabotahe sa nagpapatuloy na vaccination program ng Pamahalaan.
Ayon kay Danao, nasa humigit kumulang 10,000 tauhan ng NCRPO ang kaniyang ipinakalat para siguruhing ligtas na maibabiyahe ang mga bakuna mula sa pasilidad ng Pharmaserv express sa Marikina patungo sa iba’t ibang lokal na Pamahalaan sa Kamaynilaan.
Binigyang diin pa ng NCRPO Chief, hindi nawawala ang banta ng gulo at pananabotahe sa kampaniya ng Pamahalaan lalo’t marami ang mga nagnanais na sirain ang magandang layunin ng pagbabakuna kontra COVID-19.
Nabatid na nasa 6 na milyong doses ng bakuna ang inaasahang darating sa bansa ngayong linggo na agad dadalhin sa cold-chain facility ng Pharmaserv sa Marikina upang duon iimbak bago ito ganap na ihatid sa mga nakatakdang destinasyon nito.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)