Nasabat ng mga otoridad ang mahigit isangdaang milyong (P100-M) halaga ng cocaine sa pampang ng Matnog, Sorsogon.
Ang naturang cocaine ay nakita ng isang residente sa tabing-dagat kung saan nakalagay pa ito sa isang selyadong plastic at nakasilid sa plastic container.
Ayon sa report, posibleng sadyang itinapon ang droga sa dagat at inaasahang may kukuha nito ngunit dahil sa sama ng panahon ay napadpad ito sa pampang.
Sinabi pa ng mga otoridad na maaaring hindi dapat sa Pilipinas ipadadala ang kontrabando at pinaniniwalaang galing ito sa Latin America.
Samantala, tinitingnan naman ang anggulo kung may koneksyon ang nasabat na kontrabando sa Chinese vessel na-rescue sa Northern Samar.
Matatandaang Enero 3 nang na-rescue ang mga sakay ng Chinese vessel na Jin Ming Number 16 sa baybaying sakop ng Poblacion Dos sa bayan ng Pambujan sa Northern Samar na halos kasabay ng pagkakasabat ng nabanggit na droga.
Sa ngayon, hindi pa natutukoy ang mismong pinanggalingan ng droga.