Aabot sa 101 million pesos na halaga ng mga smuggled agricultural product ang winasak ng Bureau of Customs (BOC) sa Pampanga.
Kabilang sa mga iligal na produktong sinira ang mga sibuyas, carrots, isda at iba pang seafoods na nadiskubre sa loob ng 14 na 40-footer container vans.
Ayon kay Port of Subic District Collector Maritess Martin, nakapangalan ang mga naturang kontrabando sa iba’t ibang consignees, kabilang ang Zhenpin Consumer Goods Trading, Gingarnion Agri Trading at Schnellwert OPC.
Dumating ang mga smuggled products sa bansa noong December 2020, June at December 2021 at nasabat ng Port of Subic dahil sa paglabag sa iba’t ibang administrative orders at circular ng Department of Agriculture (DA).
Tiniyak naman ni Martin na patuloy ang pagbabantay ng Port of Subic upang mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga smuggled product.