Pinatututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan ang paghahatid ng tulong para sa mga biktima ng Bagyong Enteng.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Pangulong Marcos na higit sa P16 million na humanitarian aid ang ipinagkaloob na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar na lubos na nasalanta ng bagyo.
Mayroon ding inilaan ang pamahalaan na P65.56 million na standby funds at P2.6 billion na halaga ng food at non-food items na handang ipamahagi sa mga higit na nangangailangan.
Bukod pa rito ang P480.61 million na halaga ng health logistics na gagamitin para sa agarang serbisyong medikal.
Kaugnay nito, ipinabatid ng pangulo na higit sa 63,000 na indibidwal ang ligtas na nailikas sa 452 evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Bagamat inaasahang makalalabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Enteng ngayong araw, September 4, tiniyak ni Pangulong Marcos na tuloy-tuloy ang pagtugon ng pamahalaan sa masamang epekto ng kalamidad.