Minaliit ng Department of Agriculture (DA) ang mahigit sa P2-bilyong pisong pinsala na dulot ng El Niño sa mga produktong pansakahan.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, bagamat napakalaking halaga ang mahigit sa 2 bilyong piso, hindi ito gaanong mararamdaman dahil pumalo sa mahigit P150-trilyong piso ang kabuuang halaga ng ani nitong dry season.
Sa kabila nito, patuloy aniya ang pagsisikap ng DA na matulungan ang mga magsasakang naapektuhan ng tagtuyot sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng binhi para sa kanilang balik-tanim.
Batay sa datos ng DA mahigit sa 57,000 ektarya ng sakahan ang apektado ng labis na tagtuyot.
“So malaki po yun against doon sa nasira sa atin, bukod pa po doon, ang kagawaran po ay nagdeploy po kami ng mga pamalit-tanim kung sakaling tinamaan po ang ating mga kababayan, majority po ng palay sa buong bansa ay na-harvest, maganda nga po ang naging resulta nito, although meron pong ilang areas na medyo nahuli ng kaunti yung harvest nila.” Ani Alcala.
Rice Importation
Idinepensa ng Department of Agriculture (DA) ang patuloy na pag-angkat ng bigas ng pamahalaan.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, bagamat mayroong sapat na suplay ng bigas dahil sa magandang ani nitong tag-araw, kailangan pa ring magsiguro ng National Food Authority (NFA) pagdating sa lean months.
Hindi aniya maiiwasan na may mga negosyanteng magsamantala at magtaas ng presyo kapag lumutang ang mga balita na mayroong kakapusan ng suplay ng bigas.
“Dapat po ay not less than 30 days, sinisiguro lang po niya na meron po siyang kasapatan, dahil kung hindi po ito hawak ng NFA, sinasamantala din poi to n gating ibang negosyante at tinataasan po ang presyo, eh hindi po natin pinapayagan yun dahil naaapektuhan po ang mga mamimili.” Paliwanag ni Alcala.
Samantala, muling tiniyak ng DA na ligtas ang mga bigas na inaangkat ng NFA.
Ayon kay Alcala, hindi simpleng proseso ang dinaraanan ng mga imported rice bago makapasok sa bansa dahil isinasalang ito sa DNA test.
“Lahat ng mga production po ng mga bigas na nanggagaling sa ating mga kalapit bansa at yun din naman po yung ating mga bigas ay ipinadi-DNA test po natin at yung mga residue kung ginamitan ng sobra-sobrang pestisidyo sa ibayong dagat ay may karapatan din po ang pamahalaan na pagbawalan ang pagpasok nito.” Pahayag ni Alcala.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit