Target ng pamahalaang lokal ng San Juan City na mabakunahan ang nasa 1,300 batang edad 5 hanggang 11 sa pagsisimula ng pediatric vaccination ngayong araw.
Ayon sa San Juan City LGUs, tuturukan ang mga nasabing age group ng low-dose ng COVID-19 sa tulong ng Pfizer vaccine kung saan, nasa 6,200 na mga bata ang nagparehistro sa vaccine program.
Umabot naman 1,800 ang bilang ng mga bata sa nasabing age group ang nagparehistro din mula sa ibang lungsod o lalawigan.
Upang malibang ang mga bata, ay isasagawa ang pagbabakuna ngayong araw sa vaccination site sa San Juan City ng children’s party theme na dinisenyo mismo ng lokal na pamahalaan.
Naglagay rin ng mga cosplayers kung saan, maraming mga nakasuot ng super heroes, clowns, baloonist at magicians upang malibang ang mga batang babakunahan.
Bukod pa dito, magkakaroon rin ng film screening at mamamahagi sila ng mga coloring sheets upang hindi mainip habang naghihintay ang mga batang babakunahan kung saan, sakaling matapos ang pagbabakuna ay muli silang makatatanggap ng mga loot bags.
Maglalagay rin ng harang o divider sa actual vaccination area upang hindi makita ang mga batang binabakunahan at para maiwasan na magkaroon ng anxiety ang mga batang babakunahan.
Target ng lokal na pamahalaan na matapos ang pagbabakuna sa loob lamang ng limang araw.—sa panulat ni Angelica Doctolero