Tinatayang 4200 tsuper at konduktor ng Public Utility Vehicles (PUV) sa Central Visayas ang hindi pa rin bakunado laban sa COVID-19.
Ito ang dahilan kaya’t nagsagawa ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board ng vaccination drive para sa transport stakeholders at commuters sa nasabing rehiyon.
Ayon kay LTFRB. – Region 7 director Eduardo Montealto Jr., nasa 23,800 o 85% ng PUV Drivers at conductors na ang bakunado at karamiha’y fully vaccinated na.
Nagpatupad na rin anya ang ilang PUV operator ng kani-kanilang polisiya na nagpapahintulot lamang sa mga bakunadong tsuper at konduktor na pumasada.
Samantala, nananawagan naman si Montealto na hindi lamang sa mga tsuper at konduktor, maging sa lahat ng stakeholders sa transport sector, na magpabakuna na.