Nakalikha ng higit sa 500,000 na trabaho ang sektor ng agrikultura sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Batay sa Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa December 2023, lumabas na mula sa sektor ng agrikultura ang 18.3% ng mga Pilipinong may trabaho sa bansa.
Kaugnay nito, matatandaang iniulat ng Department of Agriculture (DA) na pabata nang pabata ang edad ng mga Pilipinong magsasaka.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, 57 years old ang average age ng mga magsasaka sa Pilipinas noon. Ngayon, bumaba na ito sa 49 to 50 years old batay sa registry system ng ahensya.
Isang dahilan sa patuloy na paglago ng labor market sa sektor ng agrikultura ay ang aktibong panghihikayat ni Pangulong Marcos sa mga kabataan na lumahok sa pagpapataas ng productivity ng sektor. Isa sa mga programa ng DA na naka-target sa mga kabataan ang Young Farmers Challenge (YFC).
Sa YFC, mabibigyan ng financial grant assistance ang mga kabataang makikibahagi sa agri-fishery enterprises.
Magsisilbing initial capital ang ipinamamahaging tulong pinansyal para sa kanilang ipatatayong negosyo. Nagbibigay rin ang naturang programa ng Business Development Services, katulad ng coaching and mentoring, local and international product expositions, at assistance sa business registration.
Samantala, patuloy namang nag-aalok ng scholarship programs ang DA sa mga kabataang kumukuha ng mga kursong pang-agrikultura.
Para kay Pangulong Marcos, ang pagpapalakas sa agrikultura ay pagpapalakas sa buhay. Sa patuloy na pakikilahok sa sektor ng agrikultura, partikular na ng bagong henerasyon, makakaasang patuloy ring magkakaroon ng sapat at abot-kayang pagkain sa hapagkainan ng bawat pamilyang Pilipino.